Si Victorio C. Edades (1895–1995) ay ginawaran ng Orden ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal noong 1976 dahil sa kaniyang pambihirang ambag sa larangan ng pagpipinta at pagguhit ng mga larawan.
Isinilang siya sa Dagupan, Pangasinan noong 23 Disyembre 1895. Nag-aral siya ng Arkitektura, at pagkaraan ay nakamit ang titulong Masterado sa Pinong Sining sa University of Washington, Seattle. Noong 1937, nagtungo siya sa Paris upang magsagawa ng sari-saring panayam at palihan sa Atelier Colarossi and Ecole des Beaux Arts, Fotainbleau (pagpipinta ng fresko, disenyong pang-arkitektura, at tubig-kulay/watercolor).
Lumahok si Edades sa Taunang Pagtatanghal ng mga Artistang taga-Hilagang Amerika doon sa Seattle noong 1925 at 1927. Doon, nagwagi ng ikalawang gantimpala ang kaniyang lahok na The Sketch noong 1927. Ibinunsod niya ang kaniyang unang solong pagtatanghal noong 1928 sa Philippine Columbian Club sa Ermita, Maynila.
Tumulong si Edades sa pagbubuo ng Kagawaran ng Arkitektura ng Unibersidad ng Santo Tomas noong 1930 at pinili siyang maging pansamantalang pinuno. Noong 1935, nahirang siyang maging Direktor ng Kolehiyo ng Arkitektura at Pinong Sining ng UST. Binuksan niya—kasama sina Diosdado Lorenzo at Galo Ocampo—ang Atelier of Modern Art sa Kalye M.H. Del Pilar noong 1938. Inorganisa din niya at ni Juan Nakpil ang Paaralan ng Disenyo (School of Design) noong 1940.
No comments:
Post a Comment